MANILA, Philippines – Nagbabala ang isang Kongresista na ang desisyon ni Pangulong Aquino na i-veto ang SSS pension hike bill ay makakaapekto sa mga kandidato ng administrasyon sa May 2016 Elections.
Ayon kay Isabela Rep. Rodolfo Albano, malaki ang posibilidad na may ‘repurcussions’ sa popularidad ng mga manok ni PNoy ang ginawa nitong pag-veto sa naturang panukalang batas.
Si dating DILG Secretary Mar Roxas ang standard bearer ng Liberal Party at inendorso ni Pangulong Aquino, subalit bigong makapanguna sa mga nagdaang Presidential surveys.
Para naman kay Leyte Rep. Martin Romualdez, sinayang ni Aquino na makapag-iwan ng magandang legacy bago ito bumaba sa pwesto.
Sinabi pa ni Romualdez na asahan na ang negatibong epekto ng ginawa ng Pangulo sa kandidatura ng administrasyon na si Roxas sa darating na halalan.
Ganito rin ang paniwala ni Sen. Cynthia Villar, isa sa mga nagsulong ng panukala sa Senado, na nagulat at nalungkot dahil sa naging desisyon ng Pangulo na i-veto ang panukala na makikinabang sana ang nasa 1.9M pensioners at pamilya ng mga ito.
Naniniwala si Villar na kayang gawan ng paraan ng SSS ang pangamba ng Pangulo na maaring maapektuhan ang pondo kung ipapatupad ang P2,000 increase sa pension.
Aminado si Villar na masyado ng maikli ang panahon para sa posibilidad na i-override ng Kongreso ang ginawang pag-veto ni PNoy dahil tatlong linggo na lamang ang natitira bago muling magbakasyon ng Kongreso.