MANILA, Philippines – Iginiit nina detained Senators Jinggoy Estrada at Bong Revilla sa Sandiganbayan na payagan silang makalabas ng ilang oras mula sa kanilang kulungan sa PNP Custodial Center sa Kampo Crame para pumunta sa lamay ng namayapang si Kuya Germs.
Tatlong oras ang hirit ni Estrada mula alas-7 ng gabi hanggang alas-10 ng gabi ngayong January 12 para makapunta sa Mt. Carmel Church sa QC kung saan nakaburol si Kuya Germs.
Limang oras naman ang hiling ni Revilla mula alas-3 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi ngayong January 12 para makipaglamay sa Mt. Carmel Church at sa GMA 7 Network Center na dadalhin din doon ang labi ni Kuya Germs.
Sinabi ni Revilla na kahit may iniindang karamdaman sa katawan si Kuya Germs ay dinalaw siya nito noong nasa kulungan siya noong nagdaang Pasko. Si Kuya Germs anya ay kinikilala niyang ikalawang ama na palagiang nabisita sa kanya sa kulungan mula nang mapiit noong June 2014.
Nangako naman ang dalawa na susundin ang mga reglamento kung papayagan na makalabas ng kulungan.
Sina Estrada at Revilla ay nakakulong sa PNP Custodial center sa Kampo Crame nang masangkot umano sa multi-bilyong pork barrel scam.