MANILA, Philippines – Naniniwala ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting na dapat ipatupad ng Philippine National Police ang naunang panawagan ng Commission on Elections (Comelec) na “total election gun ban” ng walang kinikilingan.
Ayon kay PPCRV Chairperson Henrietta de Villa, hindi magiging epektibo ang pagpapatupad ng gun ban kung may papanigan at pagbibigyang indibidwal.
Sinabi ni de Villa na una na silang naghain ng mungkahi sa Comelec ng ‘Gun Ban Without Exemption” kung saan mas maiiwasan at mababawasan ang insidente ng karahasan kung mas magiging mahigpit o ipatutupad ng Comelec at PNP ang kamay na bakal sa “gun ban”.
Nakatakdang ipatupad ng Comelec sa pangunguna ng PNP ang election gun ban bukas, Enero 10 hanggang Hunyo 8, isang buwan matapos ang halalan.
Batay sa Republic Act No. 7166, mandato ng Commission on Elections ang pagkakaroon ng malinis, tapat at payapang eleksyon sa bansa na malayo sa kaguluhan at karahasan.
Samantala sa tala ng PNP, umabot sa 81 ang kaso ng election-related violence sa buong bansa noong 2013 habang naitala naman ang 176 na kaso ng karahasan kaugnay ng halalan noong 2010.