Saudi-Iran crisis paghandaan - Trillanes
MANILA, Philippines – Nanawagan kahapon si Sen. Antonio Trillanes IV sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Energy (DOE) na maghanda ng contingency plans na agarang maipatutupad sakaling lumala ang namumuong tensyon sa Middle East, lalo na sa pagitan ng Iran at Saudi Arabia.
Ayon kay Trillanes, ang mabilis na paglala ng sitwasyon sa Middle East, lalo na sa Iran at Saudi Arabia ay nakababahala.
Mungkahi pa ni Trillanes, chairman ng Senate Committee on National Defense and Security na napapanahon na upang magtalaga ng isang Cabinet-level crisis manager para sa Middle East upang masiguro na mayroong mamamahala sa sitwasyon, sa parehong strategic o operational na antas.
Nitong linggo, inanunsiyo ng Saudi Arabia na pinuputol na nila ang kanilang ugnayan sa Iran matapos ang pag-atake ng mga nagpo-protesta sa Embahada ng Saudi Arabia sa Tehran. Ito ay kasunod ng pagbitay ng Saudi kay Shiite cleric Nimr al-Nimr noong Enero 2.
Ayon sa ilang eksperto, ang pagtaas ng tensyon sa pagitan ng dalawang bansa ay may potensyal na banta sa pagtaas ng pandaigdigang presyo ng langis.
Simula noong 1993, nag-aangkat na ang Pilipinas ng langis mula sa Saudi Arabia, at ang krisis na ito ay maaaring may negatibong epekto sa energy situation ng bansa.
Idinagdag ni Trillanes na ang gobyerno ay dapat magkaroon ng proactive na pag-iisip at dapat ay laging handa sa anumang sitwasyon upang hindi na nabibigla sa mga isyung nangangailangan ng agarang aksyon.
- Latest