Comelec sa P1.6B TV ads: May butas ang batas

Commission on Elections Chairman Juan Andres "Andy" Bautista. File photo

MANILA, Philippines – Walang kapangyarihan ang Commission on Elections (Comelec) na pigilan ang paggastos ng mga politiko sa television advertisements hangga’t wala pang panahon ng kampanya para sa eleksyon.

Sinabi ni Comelec Chair Juan Andres Bautista na maaari lamang nilang silipin ang gastos ng politiko kapag opisyal nang inihayag ang panahon ng pangangampanya.

"For the record, there is no law right now that regulates spending because we know that the meters start running only at the beginning of campaign period," pahayag ni Bautista. “May puwang sa batas. May butas ang batas.”

Dagdag niya na ang mga botante na lamang ang huhusga sa mga kandidato na gumagastos sa TV ads.

Sa Pebreo 9 maaaring mangampanya ang mga tatakbo sa national positions, habang sa Marso 25 pa ang mga kandidato sa local spots.

Lumabas sa pagsisiyasat ng Nielsen Philippines na umabot na sa P1.6 bilyon ang nagastos ng apat na presidential candidates sa nakaraang taon.

Si Bise Presidente Jejomar Binay ang umano’y pinakamagastos sa P595.7 milyon, ngunit itinanggi niya ito at sinabing ang kaniyang mga kaibigan ang nagbabayad nito.

Sumunod naman si Sen. Grace Poe sa P448.2 milyon, ngunit wala siyang naging pahayag tungkol dito.

Nasa ikatlo at ikaapat na pwesto naman si Liberal Party standard bearer Manuel "Mar" Roxas II at Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa P424.9 milyon at P115.4 milyon.

Show comments