Operators ng PUVs parusahan sa smoke belching

MANILA, Philippines – Sa halip na driver, ang may-ari ng sasakyan ang dapat parusahan sa pag­labag sa smoke belching.

Sa House bill 6298 ni Quezon City Rep. Alfred Vargas, pinaaamyendahan nito ang Section 46 ng Validation of Standard for Motor Vehicles of Republic Act 8749 o mas kilala bilang Philippine Clean Air Act of 1999.

Paliwanag ni Vargas, sa ilalim ng kasaluku­yang batas ang driver at operator ng sasakyan na lumabag sa itinakdang emission standards ang pinagbabayad o pinapatawan ng parusa.

Kadalasan sa mga nasabing sasakyan ay mga trak at iba pang public utility vehicles (PUVs) tulad ng jeep at bus.

Sinabi nito na ang driver ng PUVs ay maikukunsiderang empleyado ng may-ari at walang kontrol o desisyon para sa anumang major repairs na gagawin sa sasakyan.

Bunsod nito kaya madalas umanong nanagot ang driver, kaya hindi napipilitan ang may-ari na gumawa ng kaukulang hakbang para ipagawa ang kanyang sasakyan upang makasunod sa emission standards na nagdudulot ng polusyon sa kapaligiran.

Lumalabas din umano sa partial report ng National Emissions Inventory, nasa 85% ng air pollution sa National Capital Region ay nagmumula sa sasakyan.

Sa panukala ni Vargas, ang may-ari ng nahuling sasakyan ay kailangang dumalo sa seminar sa pollution control and management na isasagawa ng DOTC at papatawan din ng parusang isang taong suspensyon ng motor vehicle registration (MVR) at multang P6,000-P10,000.

Show comments