DARAGA, Albay, Philippines – Idineklara ng National Museum ang Cagsawa Ruins sa Daraga, Albay bilang National Cultural Treasure, ang pinakamataas na antas ng mga yamang pangkultura ng bansa. Inaasahang ang naturang deklarasyon ay lalong magpapasulong sa mabilis na lumalagong turismo at ekonomiya ng lalawigan.
Ayon kay Albay Gov. Joey Salceda, ang deklarasyong ipinalabas ni National Museum Director Jeremy R. Barns nitong nakaraang ika-23 ng Disyembre, at nalathala sa website ng museo, ay nagbibigay diin sa kahalagahan ng Cagsawa Ruin sa mga pamanang lahi at yamang pangkultura ng Pilipinas.
Popular na inuugnay ang Cagsawa Ruins sa kaakit-akit na Mayon Volcano at karaniwan silang nakikita sa mga postcards, larawan at selfie shots. Naghihintay na lamang ito ng opisyal na pagkilala ng UNESCO bilang isang World Heritage Site. Nominado rin ang Albay na maging UNESCO Biosphere area.
Bilang isang National Cultural Treasure, ang Cagsawa Ruins ay kabilang na sa mga prayuridad na bigyan ng proteksiyon, pangangalaga at promosyon ng bansa, kaya lalo itong aakit ng mga turista. Ang Albay ay isa na sa pinakamabilis na sumusulong na tourist destination ng Pilipinas at kamakailan ay nabuslo nito ang US$1-milyong CEO Challenge Award ng Pacific Asia Travel Association (PATA) bilang isang ‘new frontiers global destination.’
Ayon kay Salceda, Cagsawa Ruins na labi ng pagsabog ng Mayon 201 noong 1814 ay simbulo rin ng tibay ng Albay laban sa mga kalamidad. Nabaon ng naturang pagsabog ng bulkan ang isang malaki simbahan at pamayanan sa paligid nito at mahigit 1,000 tao ang kinitlan nito ng buhay. Ang mga labi nila ay nananatili sa ilalim ng mga bato at lupa na ibunuga ng Mayon. Tanging tuktok ng nabaong kampanaryo ng simbahan na lamang ang nakalitaw at nagsisilbing lapida nila.
Sentro ang Cagsawa Ruins ngayon ng mga bagong tuklas na mga tourist destinations sa Albay na kinabibilangan ng Naglaus-Milaos Underground River at Sigpit Waterfalls na may kaakit-akit na “jumping cliffs” sa Del Rosario, sa bayan ng Jovellar, Quitinday Greenhills at kuweba sa Camalig; Guinanayan White Beach at Island Hopping sa Galicia Village, Rapurapu; Nagaso Hot Spring at Inang Maharang Boiling Lake sa Manito; Lignon Hill Zip Line at iba pa. Ayon kay Tourism Secretary Ramon Jimenez, sapat nga ang Albay sa kasiya-siyang mga yamang pangturismo gaya ng isang maliit na bansa.