Madilim na Bagong Taon sa ilang bahagi ng Mindanao

MANILA, Philippines – Posibleng makaranas ng madilim na Bagong Taon ang ilang bahagi ng Mindanao dulot ng kakapusan sa suplay ng enerhiya dahil sa sunud-sunod na mga pag-atake ng mga rebelde sa mga transmission tower ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Ito ay makaraan ang dalawang panibagong pagsalakay at pagpapasabog ng mga armadong grupo sa dalawang tore ng NGCP sa Lanao del Sur at North Cotabato nitong bisperas ng Pasko.

Dahil dito, umapela ang NGCP sa lahat ng lokal na opisyales ng pamahalaan at maging mga residente na malapit sa kanilang mga transmission towers na magbantay laban sa mga pagsalakay upang maiwasan ang mas malawak na kawalan ng kuryente sa rehiyon.

Naganap ang magkasunod na pagsalakay sa tower No. 25 sa Brgy. Gandamatu, Ramain, Lanao del Sur at sa tower No. 95 sa Aroman, Carmen, North Cotabato.

Sa datos ng NGCP, ang dalawang tore ang ika-14 at 15 nang pinasabog ng mga armadong grupo ngayong taon.

“The toppling of Tower 25 led to the isolation of government owned gene­rating facilities, namely the Agus 1 & 2 Hydro Electric Plants. As a result, 58MW was lost from the grid, aggravating the existing power shortage in Min­danao,” ayon sa NGCP.

Patuloy naman ang ginagawang restoration efforts ng NGCP sa mga pinabagsak na tore.

Show comments