MANILA, Philippines – Apatnapu’t pitong (47) taon ng naghahasik ng terorismo at paglabag sa karapatang pantao sa bansa ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA).
Ito ang patutsada kahapon ng isang opisyal ng militar kasabay ng ika-47 taong pagdiriwang ng NPA, ang armed wing ng Communist Party of the Philippines (CPP) ng anibersaryo nito.
Sinabi ni Capt. Joe Patrick Martinez, spokesman ng Army’s 4th Infantry Division (ID), dahil sa pagkakasangkot ng NPA rebels sa samutsaring gawaing bandido ay patuloy ang paghina ng grupo na nawawalan na ng suporta sa mga sibilyan.
“For almost half a century, the Communist Party of the Philippines always highlight the criminalities, human rights violations, and other forms of lawless activities perpetrated by their armed wing, the NPA local terrorists,” giit pa ni Martinez.
Bunga naman ng aktibong kampanya ng tropa ng pamahalaan laban sa karahasan ng NPA ay bumaba na rin ang pagkakasangkot ng komunistang grupo sa mga bayolenteng aktibidades.
Ayon pa kay Martinez, mula 2011 ay nasa 168 kaso ng bayolenteng insidente ang kinasangkutan ng NPA; noong 2012 ay nasa 153 at bago magtapos ang taong 2015 ay nasa 119.
“This can be attributed to the NPA being captured/apprehended with the help of the civilians (most of them are NPA victims) and have surrendered because of realization of futility of armed struggle,” ani Martinez.
Sa tala ng Army’s Infantry Division (ID), nasa 269 NPA rebels ang sumuko sa tropa ng pamahalaan sa taong 2015.
Inihayag pa ng opisyal na wala ng ideolohiya ang NPA rebels dahil mga kriminal na gawain ang kinasasangkutan ng mga ito.
Samantala sa Northern Mindanao, kabilang naman sa mga matataas na lider ng NPA rebels na target lipulin ng AFP ay sina Jorge Madlos alyas Ka Oris; Myrna Sularte alyas Ka Malaya at iba pa na pawang nahaharap sa kasong murder, frustrated murder, kidnapping, exploitation, illegal possession of explosives and firearms at iba pa.