AFP nakaalerto sa NPA anniversary

Ayon kay AFP spokesman Col. Restituto Padilla, binigyan na nila ng direktiba ang tropa ng mga sundalo lalo na sa mga kanayunan na manatiling vigilante kontra sa mga patraydor na pag-atake ng NPA rebels.

MANILA, Philippines – Sa kabila ng implementasyon ng 12 araw na unilateral ceasefire, nakaalerto ang tropa ng militar kaugnay ng pagdaraos ng 47 taong anibersaryo bukas (Disyembre 26) ng New People’s Army (NPA).

Ayon kay AFP spokesman Col. Restituto Padilla, binigyan na nila ng direktiba ang tropa ng mga sundalo lalo na sa mga kanayunan na manatiling vigilante kontra sa mga patraydor na pag-atake ng NPA rebels.

Sinabi ni Padilla na bagaman umiiral ang 12 araw na unilateral ceasefire ay nasa ‘defensive mode’ ang AFP troops.

Nangangahulugan ito na gagamitin lamang nila ang kanilang mga armas kapag ang NPA rebels, ang armed wing ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang nanguna sa pag-atake.

“We are on self defense stance, our actions will be pro-active against the enemies attacks . We advised our troops to be more vigilant,” pahayag pa ni Padilla.

Ang unilateral ceasefire ng AFP ay nag-umpisa alas-12:01 ng madaling araw nitong Disyembre 23 at magtatapos alas-11:59 ng gabi sa Enero 3, 2016.

Sa panig ng CPP-NPA ay mula Disyembre 23 ng hatinggabi hanggang Enero 3, 2016 alas-12 ng hatinggabi.

Ayon sa AFP, nakaalerto ang kanilang tropa matapos ang pag­labag sa unang araw ng ceasefire ang NPA nang paulanan ng bala ang tropa ng 2nd Special Forces Battalion sa Brgy. Bitaugan, San Miguel, Surigao del Sur kamakalawa.

Show comments