MANILA, Philippines - Binatikos ng abogado ni Camarines Norte Gov. Edgardo Tallado ang tanggapan ng Ombudsman sa umano’y pagkakaroon ng selective justice sa kanilang ahensya.
Sa ginanap na press conference sa QC kahapon, sinabi ni Atty. Adan Marcelo Botor na sinuspinde ng Ombudsman ang kanyang kliyente dahil sa paglabag sa kautusan ng Civil Service Commission na ibalik sa puwesto ang Provincial Veterinarian na natanggal sa pwesto.
Gayunman, sinabi ni Botor na hindi ipinatupad ng Ombudsman ang Aguinaldo Doctrine sa kanilang kaso.
Binatikos din ni Botor ang desisyon ng Ombudsman na pumanig sa isang kaalyado ni Liberal Party standard bearer Mar Roxas na si Capiz Gov. Victor Tanco na napatunayang guilty sa paglabag sa anti-graft and corrupt practices law at extortion.
Iba umano ang naging pagtrato kay Tanco kumpara kay Tallado dahil nagawang baligtarin ng ahensya ang nauna nitong desisyon na nagtatanggal sa puwesto kay Gov. Tanco.
Mas mabigat umano ang kaso ni Tanco dahil extortion ang kaso nito ngunit nabaligtad ang desisyon gamit na basehan ang Aguinaldo Doctrine.
Batay sa section 1 article 4 paragraph 2 ng Aguinaldo Doctrine, ang dalawang indibidwal na nahaharap sa magkahalintulad na usapin ay hindi maaring patawan ng magkaibang kaparusahan.
Paliwanag pa ni Botor, maliwanag na umiiral ang selective justice sa Ombudsman na mapagpatawad lamang sa mga kaalyado ng administrasyon para matiyak ang panalo ni presidentiable Mar Roxas sa 2016 election.