MANILA, Philippines - May audio feature ang vote count machines na makatutulong sa gagawing pagboto ng mga ‘no read, no write’.
Sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista na sa pamamagitan lamang ng headphones ng vote count machines (VCMs) na gagamitin sa national and local elections ay maaaring marinig ng mga botanteng di marunong bumasa at sumulat, at maging ang mga may kapansanan, ang mga pangalan ng mga kandidatong kanilang ibinoto.
Paliwanag ni Bautista, kung illiterate at may pisikal na kapansanan ang isang botante ay hindi sila ang sumusulat ng kanilang boto.
Sa pamamagitan aniya nang audio feature ng VCMs maaaring marinig at matiyak ng botante kung tama ang pangalan ng botante na ibinoto ng taong tumulong sa kanila.
Maaari rin namang makita o mabasa ng mga botante ang pangalan ng kanilang mga ibinoto sa pamamagitan ng screen ng VCMs.
Gayunman, kakailangan muna nilang konsultahin ang mga stakeholders bago gamitin ang naturang feature.
Bukod sa mga ito, nabatid na ang VCMs ay mayroon ring ultra violet lamp, na gagamitin upang matukoy na hindi peke ang balotang ginamit; mayroon ding source code para masiguro ang integridad at kredibilidad ng eleksyon, at digital signature para ma-authenticate ang lahat ng transmitted election result.