MANILA, Philippines – Inilabas na ng Bureau of Internal Revenue (BIR) kahapon ang listahan ng top 500 individual taxpayers sa taong 2014, kung saan si boxing champ at Sarangani Rep. Manny Pacquiao ang pumangalawa sa pinakamataas na nagbayad ng buwis sa halagang P210.3 milyon.
Ayon sa talaan ng kagawaran, nangunguna sa taxpayer nitong nakaraang taon ang Rebisco Group ni Jacinto Ng, na nakapagbayad ng kabuuang P280.1 million buwis, kasunod si Paquiao, o Emmanuel Pacquiao.
Pumangatlo sa mga ito sina Vivian Que Azcona na nagbayad ng P153, 551, 323,16, pumang-apat sa listahan si Jose Chavez Alvarez na nagbayad ng P73,005, 624.00.
Panglima si Jacinto Go Ng na nagbayad ng P66,866,986.00; at pang-anim si Kris Aquino o Kristina Bernadette Cojuangco Aquino sa halagang P54,530,635.
Sumunod kay Kris si Ronaldo Romero Soliman P53, 482,261.00; at pang-walo si William Schultz P51, 323, 143.00.
Si Ramon See Ang na chairman, pangulo at chief operation officer ng San Miguel Corporation ang pang-siyam sa halagang P51,058.003.00; habang pang-10 sa mga ito si Louro Castro Baja III sa halagang P50,749,506.66.
Sa mga taxpayers tanging si Kris Aquino sa mga artista ang pumasok sa top 10 na malaki ang binayad ng buwis, bagama’t pumasok din si Sharon Cuneta Pangilinan na nasa pang-13 lamang sa halagang P49, 117, 122.00.
Taong 2013 nang manguna si Pacquiao sa top 10 sa mga malaking ibinayad na buwis, subalit sa pagsapit ng taong 2014 ay pumangalawa lamang ito, matapos ang ilang kontrobersya nang pumutok ang isyu sa kinita nito sa kanyang mga laban sa boxing.