MANILA, Philippines — Isang abogado ang naghain ng P828-milyon plunder complaint kontra sa nasibak na Makati City mayor Jejomar Erwin "Junjun" Binay Jr. sa Office of the Ombudsman ngayong Biyernes.
Bukod kay Binay ay dalawang kompanya ng information technology pa ang idinawit ng abogadong dating kapitan ng barangay sa Makati City Renato Bondal.
"Ang stockholders ng mga kumpanyang ito ay 'yung mga famous dummies ni VP Binay, sina Hirene Lopez, na asawa ni Tomas Lopez, para sa Powerlink.com Corp., at Marguerite Lichnock, 'yung asawa ni Gerardo Limlingan, sa CodeWorkds.Ph Inc.," pahayag ni Bondal na matagal nang karibal ng mga Binay sa lungsod.
"Samakatuwid, walang ginawa itong mga kumpanyang ito kundi maningil ng P828 million hanggang 2014," dagdag niya.
Sinabi pa ni Bondal na may testito silang makapagpapatunay ng mga paratang ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado na isa rin sa mga nagsiwalat ng umano’y kaanomalyahan ng mga Binay sa lungsod.
Dagdag niya na hihilingin nila sa Department of Justice na isailalim ang kanilang testigo sa Witness Protection Program.
Nasipa sa pwesto si Binay matapos iutos ng Ombudsman kaugnay ng mga kasong administratibo laban sa kaniya.