MANILA, Philippines – Tila umatras sa direktang komprontasyon si Davao City Mayor Rodrigo Duterte dahil sa maaanghang na sagot ni Daang Matuwid presidentiable Mar Roxas sa kanya.
“Malinaw, hindi ko uurungan si Mayor Duterte sa kahit anong hamunan. Malinaw na hindi ako takot sa kanya at haharapin ko siya,” sabi ni Roxas.
Ilang araw ng nagpapalitan ng salita ang dating magkaibigan ngunit ngayo’y magkatunggali sa eleksyon dahil ikinagalit ni Duterte ang pagbigay ni Roxas ng datos mula sa PNP tungkol sa mataas na insidente ng krimen sa Davao City.
Pang-apat ang Davao City sa pinakamataas na volume ng krimen sa bansa, kung saan 18,000 insidente ng krimen ang nailathala sa taon ng 2014. Nanguna dito ang lungsod Quezon na mayroong 40,000 insidente, pangalawa ang Manila na mayroong 22,000, pangatlo ang Zamboanga na nagrehistro ng 19,000 insidente.
Sinabi ni Duterte na hindi ito sisipot sa suntukan kasama si Roxas dahil sa sakit na beke.
Maaalalang hinamon ni Roxas si Duterte na pumunta sa bahay nito sa Cubao kung gusto niya talaga ng laban. Ang sagot ni Duterte sa hamong ito ay may beke siya at itinanggi niyang hinamon niya ng barilan si Roxas.
Umapela naman si Roxas na itigil na ang mala-telenovelang sagutan. “Itong barilan, suntukan, hindi ito importante sa buhay ng bawat Pilipino. Kaya isyu ang pag-usapan natin. Saan ba natin dadalhin ang bansa natin ang dapat na napag-uusapan,” pahayag ni Roxas.