MANILA, Philippines – Dapat ipagpaliban muna ng Commission on Elections ang pag-iimprenta ng mga balota para sa eleksiyon sa 2016 habang hinihintay ang desisyon ng Supreme Court sa disqualification cases ni Sen. Grace Poe.
Ayon kay Senate President Franklin Drilon, ang didinggin pa lamang ng SC sa Enero 19, 2016 ay ang oral arguments tungkol sa petisyon ni Rizalito David na ipa-diskuwalipika si Poe bilang senador at hindi pa kasama dito ang apat pang disqualification na naglalayong harangin ang pagtakbo ng senadora sa presidential election.
Umaasa si Drilon na kapwa maisasalang sa pagdinig ng SC sa Enero 19 ang desisyon ng SET at Comelec dahil bibigyan pa ng korte ng 10 araw ang dalawang partido upang magsumite ng memorandum.
Posible aniyang ang mga kaso ni Poe ay isusumite para sa resolusyon sa huling araw ng Enero 2016.