CHR probe sa HR violation ni Duterte okay sa Palasyo
MANILA, Philippines – Suportado ng Malacanang ang hakbang ng Commission on Human Rights na paimbestigahan ang ginawang pagtatapat ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na mayroon siyang pinapatay na mga kriminal.
Ayon Kay PCOO Sec. Herminio Coloma Jr., bahagi ng trabaho ng CHR na imbestigahan ang mga lumalabag sa karapatang pantao.
Magugunitang inamin ni Mayor Duterte na mayroong kidnapper na mismong siya ang pumatay bukod sa mahigit 1000 kriminal na iniutos niyang patayin.
Sa isang media forum kamakalawa, sinabi ni CHR Chairperson Jose Luis Gascon na nirerepaso na nila ang kanilang mga rekord kung merong kasong isinampa laban kay Duterte na napaulat na may ipinapatay umanong 700 tao batay sa isang ulat ng Amnesty International.
Kaugnay nito, sinabi ni Gascon na dapat magkaroon ng masusing imbestigasyon sa mga ipinahayag ni Duterte pero idiniin niya na walang kapangyarihang umusig ang CHR.
Inamin ni Gascon na mahirap imbestigahan ang posibleng paglabag ni Duterte sa karapatang pantao nang batay lang sa mga deklarasyon nito. “Ang meron lang tayo ay mga bilang na inilahad sa publiko. Wala namang detalye kaya paano namin masisimulan ang imbestigasyon?” dagdag niya.
Bukod dito, ayon kay Gascon, dapat lumantad ang mga umano’y biktima ni Duterte o ang kanilang mga pamilya para magharap ng reklamo.
- Latest