‘Nona lalong lumalakas, signal no.1 naitala sa Samar
MANILA, Philippines – Lalong lumakas ang bagyong si Nona habang binabagtas nito ang probinsya ng Samar kahapon ng umaga.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Services administration (PagAsa), alas-10:00 ng umaga nang mamataan ang sentro ng bagyo sa layong 565 km sa silangan ng Catarman, Northern Samar. Taglay nito ang lakas ng hanging nasa 110 kilometro kada oras malapit sa gitna at bugso ng hanging nasa 140 kph.
Inaasahang sa loob ng 24 na oras, si Nona ay nasa 140 km sa East ng Catarman sa Lunes at sa Martes ay nasa 65 km naman ng Romblon, Romblon sa bilis na 150km ng East Southeast ng Calapan City.
Dala ng taglay nitong lakas, idineklara ang signal no. 1 sa Albay, Sorsogon at Masbate kabilang ang Burias at Ticao island. Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Biliran, Leyte at Southern, Leyte at Dinagat.
Kasabay nito, inalerto ni Pangulong Benigno Aquino lll ang mga ahensiya ng gobyerno upang maging handa sa magiging epekto ng bagyong Nona, ayon kay PCOO Sec. Herminio Coloma Jr.
“Inihahanda na ang mga komunidad para sa posibleng paglikas kung matatayang malalagay sa panganib ang kanilang kalagayan. Kaya ito ay pinaghahandaan na ng lahat ng ahensya ng pamahalaan,” sabi pa ni Coloma.
Inatasan na ni Pangulong Aquino ang Department of Social Welfare and Development at ibang ahensiya na ihanda ang mga relief goods sa mga lugar na maapektuhan ni Nona.
- Latest