Bakanteng lupa sa MM, pinaiimbentaryo
MANILA, Philippines - Pinaiimbentaryo ng isang kongresista sa gobyerno ang lahat ng natitirang idle lands o bakanteng lupa sa buong Metro Manila.
Ito ay upang matukoy kung saan pa maaaring pagtayuan ng bahay at masolusyunan ang housing backlog sa urban areas.
Ito ang nakasaad sa Memorandum Circular #87 ni House Committee on Housing and Urban Development Chairman Albee Benitez na solusyunan ang housing backlog sa Metro Manila na nakapaloob sa Republic Act 7279 o “Urban Development and Housing Act”.
Sa ilalim nito, kinakailangang magsumite sa bubuuing Inter-Agency Task Force ng inventory o listahan ng mga idle lands o bakanteng lupa na pagmamay-ari o nasasakupan ng mga ahensya ng gobyerno upang magamit para sa pagtatayo ng pabahay.
Kabilang sa mga pinagsusumite din ng inventory ng idle lands ay mga government-owned or controlled-corporations habang ang DILG sa pamamagitan ng LGUs ay magsasagawa din ng inventory sa mga lungsod na nasasakupan.
Ilan sa mga kategorya ng idle lands ay mga lupang pagmamay-ari ng gobyerno na hindi nagagamit sa loob ng sampung taon; mga lupang may nakatayong gusali o istraktura na pagmamay-ari ng pamahalaan na maaaring gamitin para sa socialized housing.
Gayundin ang mga lupang kinatitirikan ng mga informal settlers na pagmamay-ari din ng gobyerno.
- Latest