MANILA, Philippines – Panibago na namang karangalan ang nakamit ng Pilipino Star NGAYON matapos makopo sa ALTA Media Icon Awards ang Best Tabloid Newspaper na ipinagkaloob ng pamunuan ng University of Perpetual Help System DALTA sa kanilang 40th Founding Anniversary sa Las Piñas City.
Nagpaabot ng anunsyo ang pamunuan ng nasabing unibersidad sa pamamagitan nina Rowena G. Morta at Dr. Alfonso H. Loreto kay Miguel Go Belmonte, President and CEO ng Star Group of Publications na ang Pilipino Star Ngayon ay Student’s Choice award-giving body bilang Best Tabloid.
Gaganapin ang awarding ceremony sa Biyernes ng hapon (Dec. 11) sa Ernesto Palanca Crisostomo Hall sa Perpetual Las Piñas campus.
Nakopo ng Pilipino Star NGAYON ang nasabing parangal matapos ang voting process ng 10,000 estudyante sa pamumuno nina Rowena Gregorio bilang department chairperson at Alda Lou Cabrera, event coordinator bilang faculty ng Department of Communication.
Kabilang sa mga katangian ng PSN na inayunan ng mga estudyante ay ang mga nilalamang balita na informative, unbiased in reporting, entertaining, maka-masa at hindi pahuhuli sa balita.
Kabilang din sa tatanggap ng gantimpila sa gaganaping ALTA Media Icon Awards ay mula sa telebisyon, radio, film, at print media.
Ang pagbibigay ng parangal ay pangungunahan nina Dr. Daisy Tamayo, co-founder and board of director; Anthony Tamayo, UPHSD president; at Major Richard Tamayo, board secretary at UPHDMC president.