MANILA, Philippines – Matapos tahasang aminin na may pinatay na mga kidnaper, sinabi kahapon ni Sen. Chiz Escudero na dapat imbestigahan ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na kumakandidatong presidente ng bansa.
Ayon kay Escudero na kumakandidatong bise presidente, may trabahong dapat gampanan ang mga ahensiya ng gobyerno tungkol sa ginawang pag-amin ni Duterte.
Pero mas makakabuti aniyang gawin ito pagkatapos na ng eleksiyon upang hindi masabing ginigipit o pini-pressure si Duterte.
Inihalimbawa ni Escudero ang nangyayari sa kanila ng kanyang running mate na si Sen. Grace Poe na kumakandidatong presidente na may kinakaharap na mga disqualification cases.
“We are on the receiving end, Senator Grace and I of that equation. Naniniwala kami ni Sen. Grace sa basic rule. Do not do unto others what you do not want others to do unto you,” ani Escudero.
Kung may pananagutan umano sa batas si Duterte, dapat itong harapin pagkatapos ng eleksiyon.
Kinontra rin ni Escudero ang pananaw ni Duterte na mareresolba lamang ang problema ng peace and order sa bansa sa pamamagitan ng pagpatay sa mga kriminal.
Sinabi ni Escudero na hindi maaring itama ang isang pagkakamali sa pamamagitan ng paggawa ng isa pang pagkakamali.
Sa isang demokrasyang bansa aniya ay may mga proseso na dapat sundin at ang susunod na pangulo ng bansa ay manunumpa na dapat ipatupad ang batas.
Matatandaan na inamin ni Duterte sa isang panayam sa radyo na may pinatay siyang tatlong kidnaper sa Davao City.