MANILA, Philippines – Sinabi kahapon ni Rep. at Liberal Party Vice Presidential Bet Leni Robredo na ipaglalaban niya na mabigyan ng tunay na tinig at lakas ang taumbayan na matagal nang hindi pinapansin.
Aniya ito ang nagtulak sa kanya para tanggapin ang hamon na maging katambal ni LP standard bearer Mar Roxas sa 2016 elections.
“Tinanggap ko po ang hamon. Alam ko pong mahirap, wala po akong pera, di po ako kilala. Pero kung kayo po ang iisipin ko, hindi po ako mawawalan ng pag-asa,” wika ni Leni Robredo sa pakikipag-usap sa iba’t ibang sektor sa Aklan, kabilang ang mga kabataan, kababaihan, mangingisda at magsasaka.
“Isa po itong misyon para maging malaking tulong sa mga taong matagal nang hindi napapansin,” dagdag pa ni Leni Robredo.
Inihalimbawa ni Leni Robredo ang itinatag na People’s Council ng kanyang yumaong asawa na si Jesse sa Naga kung saan nabigyan ng pagkakataong lumahok ang taumbayan sa pagpaplano ng mga proyekto’t programa ng siyudad. “Hindi naman natin kailangan na kaawaan tayo, ang kailangan natin ang bigyan tayo ng lakas. Ito ang alternatibo na binibigay ko, dala ko ang paniniwala na ito ang puwang sa ating gobyerno,” wika ni Leni Robredo.
Sa ilalim ng Daang Matuwid sa pangunguna ni Roxas, ipinangako rin ni Robredo na sama-samang aangat ang mga nasa laylayan ng lipunan.