MANILA, Philippines – Tahasang sinabi ni Liberal Party vice presidential candidate Leni Robredo, running mate ni Mar Roxas na hindi siya pabor sa estilo ng pamamahala ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
“We achieved the same results in Naga...yung peace and order, yung disiplina ng tao...we achieved the same things without that kind of attitude,” sabi ni Robredo.
Ang yumaong asawa ni Robredo na si Jesse Robredo ang tumayong mayor ng Naga sa loob ng 19 na taon, mula 1988 hanggang 1998 at muli noong 2001 hanggang 2010. Noong 1999 ay tinaguriang isa sa mga Most Improved cities ang Naga sa buong Asya at ginawaran ng Ramon Magsaysay Award for Government Service si Robredo noong sumunod na taon.
Kilala si Duterte sa marahas na estilo ng pamamahala at minsan ng nadulas si Duterte at inamin ang katotohanan ng Davao Death Squad, isang grupo ng vigilante na pumapatay ng mga pinaghihinalaang kriminal ng walang pruweba.
“Siguro gumana ito sa Davao at sa ibang lugar, but based on our experience, nakuha din namin yung ganung resulta ng hindi gumagamit ng karahasan,” diin ni Robredo.
“Nagkaroon ng pagbabago sa pag-iisip nila dahil hindi na lamang sila pinagsisilbihan ng gobyerno pero katuwang na sila nito,” kuwento niya. Ilang beses ng nagbanta si Duterte na dadami ang mamamatay kapag naging presidente siya kaya’t dapat damihan din ang mga punerarya.
Umani na ng batikos ang mga pamamaraan ni Duterte lalo na sa mga kilalang human rights groups tulad ng Human Rights Watch International.