MANILA, Philippines – Hindi daw apektado si Liberal Party standard bearer Mar Roxas sa ulat na paglipat sa kampo ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang ilang kapartido nito.
“Malaya naman ang bawat mamamayan na piliin kung sino at kanino sila papanig so okay naman ang lahat,” wika pa ni Roxas sa mga reporters sa inagurasyon ng Bistekville 1 Multi-Purpose Hall sa Payatas, Quezon City.
Ginawa ni dating DILG Sec. Roxas ang pahayag matapos mapaulat na ilang miyembro ng LP ang nagdesisyong lumipat sa kampo ni Duterte na nagdeklara na din ng pagtakbong presidente.
Aniya, hindi na kailangan ang loyalty check sa kanilang mga miyembro dahil tiwala siyang may mga loyal pa siyang leaders mula sa Mindanao.
Sinabi ni Roxas na panatag ang kanyang kalooban na marami pa ring Pilipino na tahakin ang matuwid at nagtitiwala sa kanilang prinsipyo.
Nilinaw din ng dating DILG chief na may kalayaan ang bawat miyembro nitong pumili ng napipisil nitong kandidatong presidente.
Pinabulaanan naman ni Senate President Franklin Drilon ang ulat na maraming LP members mula sa Mindanao ang lumipat sa kampo ni Duterte.