Public consultation sa halalan sinimulan
MANILA, Philippines – Nagsimula na ang public consultation para sa nalalapit na halalan kung saan dinaluhan ito ng Comelec, Pastoral Council for Responsible Voting, religious groups at iba’t ibang kinatawan ng mga partylist.
Kabilang sa mga nais na mabigyan ng katanungan ay ang maaaring asahan ng mga botante sa mall voting, kung papayagan ding bumoto sa mall ang aalalay sa mga botanteng may kapansanan at kung paano pipiliin ng Comelec ang mga presinto na ililipat sa malls. Ilan din ang nagsabi ng kanilang mga pangamba na malabag ng mall voting ang Omnibus Election Code at mayroon ding nagsitutol.
Gayunman, ilang grupo rin ang nagpahayag ng suporta sa planong mall voting kabilang na dito ang persons with disabilities o PWDs, na nagsabing sa kauna-unahang pagkakataon ay naramdaman nilang sila ay mga Filipino rin.
Sumuporta rin sa mall voting ang kilalang election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal ngunit pinaalalahanan niya ang Comelec na magamit ng ilang grupong pulitikal ang mall voting lalo na at maaaring kaibigan ng mga kandidato ang mga may-ari.
Sa naturang talakayan, ipinakita ng Comelec ang mga proposed layout para sa planong pagdaraos ng botohan sa mga mall.
Nilinaw rin na sila ang magbabayad sa mga interpreter na itatalaga para tumulong sa mga taong may kapansanan tulad ng mga kabilang sa deaf and mute.
Nabatid kay Comelec Chairman Andres Bautista, sa kanilang panukala, 2,984 clustered precincts ang ililipat sa mga mall, o 3.7 percent ng kabuuang bilang ng mga botante o 2 milyon ng kabuuang 54.5 milyong botante ng Pilipinas. Maaari lamang aniyang bumoto sa mga mall ang mga rehistradong botante sa lugar.
Ilan sa mga potential mall partner ng Comelec sa mall voting ay ang Ayala Malls, City Mall, Fisher Mall, Gaisano Grand Mall, Megaworld Lifestyle Mall, Puregold, Robinsons, SM, Sta. Lucia Mall at Waltermart.
Naniniwala ang Comelec na malaki ang maitutulong ng mall voting upang tumaas ang election turnout sa 2016 polls.
- Latest