MANILA, Philippines – Tuluy-tuloy na ang pagtakbo ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa pagkapangulo sa May 2016.
Ito’y matapos na maghain kahapon ng kanyang kandidatura si Duterte kung saan kinatawan ito ni Atty. Salvador Medialdea na nagtungo sa Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Maynila.
Dala rin ni Medialdea ang certificate of nomination and acceptance sa Partido Demokratiko Pilipinas-Lakas ng Bayan (PDP-Laban).
Papalitan ni Duterte si VACC chairman Martin Diño bilang official standard bearer ng partido.
Tinanggap ng Comelec Law Department ang mga dokumento ngunit pagdedesisyunan pa ng Comelec en banc kung maaari siyang humalili kay Diño.
Inurong na rin ni Duterte ang COC para sa pagka-mayor ng Davao City.
Papalit naman sa kanya sa mayoralty race ang anak na si Inday Sarah Duterte na dati na ring naging mayor ng lungsod.
Kasunod ng pagdeklara ng pagtakbo ni Duterte sa pagka-presidente, napuno na ng mga tarpaulin nilang dalawa ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga kalsada sa Davao City.
Bago ito, umapela si PDP-Laban president Sen. Koko Pimentel kay Duterte na huwag nang paabutin pa ng Disyembre 10 ang filing ng CoC dahil baka magkaproblema pa sa Comelec.