MANILA, Philippines – Nakatakdang ilagay sa Zambales at Palawan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang dalawang paparating na bagong biling FA-50 fighter jets mula sa South Korea.
Ito’y sa gitna na rin ng tensiyon sa tumitinding kapangahasan ng China sa pang-aagaw ng teritoryo sa Scarborough Shoal na malapit sa Masinloc, Zambales sa Central Luzon at Spratly Islands malapit naman sa Palawan.
Sinabi ni Defense Secretary Voltaire Gazmin na ang isa sa fighter jets na darating sa bansa sa Sabado galing South Korea ay magbi-base sa Basa Air Base sa Pampanga at Subic, Zambales habang ang isa ay sa Puerto Princesa City, Palawan.
Ang Basa Air Base at Subic ang pinakamalapit na pasilidad ng militar sa Scarborough Shoal na inaangkin din ng China.
Ang dalawang squadron ng FA-50s ay nabili sa halagang P18.3 bilyon.
Tatlong piloto ng Philippine Air Force (PAF) ang nagsanay sa South Korea ng ilang buwan para pag-aralan ang pagpapalipad sa mga bagong fighter jets.