Señeres may 3 kundisyon kay Duterte
MANILA, Philippines – Papayag si OFW Family partylist Rep. Roy Señeres na maging substitute Presidential candidate nito si Davao City Rep. Rodrigo Duterte sa tatlong kundisyon.
Una sa kundisyon ay dapat bawiin ni Duterte ang mga “harsh statement” nito laban kay Sen. Grace Poe, na tatakbo rin sa pagka-Pangulo.
Pangalawa, kailangan daw maging “pro-life” ni Duterte, na kilala sa kanyang mala-kamay na bakal na pamumuno sa Davao City.
Bukod dito, may mga report ng umano’y koneksyon ni Duterte sa kilabot na Davao Death Squad, na pumapaslang ng mga drug addict, kriminal at iba pa.
Kinatatakutan din si Duterte dahil sa mga banta nito gaya ng papatay siya ng mga taong gagawa ng mali.
Pangatlong kundisyon ni Señeres ay kung magagawang ipagtanggol ni Duterte ang mga karapatan ng mga contractual worker sa buong bansa.
Dapat ding sumumpa si Duterte sa partido ni Señeres, ang Filipino Family Party.
Nilinaw naman ni Señeres na walang masamang tinapay sa pagitan nila ng Duterte.
Sa katunayan umano, iisa lamang ang fraternity na kinabibilangan nila noong panahon na nag-aaral sila ng Law.
Si Duterte ay matatandaang nag-anunsyo ng kanyang pagsabak sa Presidential race dahil sa pagkadismaya raw niya sa SET decision sa disqualification case laban kay Poe.
Subalit may kwestyon kung makakatakbo ba ang Mayor, lalo na at kumplikado ang Certificate of Candidacy sa pagka-Presidente na inihain ng kaalyado nitong si Martin Diño.
- Latest