MANILA, Philippines – Patuloy na tumataas ang suporta ng taumbayan at ibang sektor kay senatorial aspirant Atty. Francis Tolentino habang lumalapit ang panahon ng kampanya.
Sa pinakahuling ulat, maaaring makasama ngayon si Tolentino sa senatorial line-up ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na nagpahayag na ng intensyon ng pagtakbo sa pagka-pangulo sa 2016 Elections. Nabatid na agad pinangalanan ni Duterte si Tolentino sa posibleng senatorial ticket niya matapos ang anunsyo ng kandidatura.
Pinasalamatan naman ni Tolentino ang pag-endorso ni Duterte pati na rin ang papuri sa kanya na pinakadisenteng opisyal ng bansa. Hinangaan rin ni Duterte ang simpleng pamumuhay ni Tolentino kahit na noong ito pa ang chairman ng Metropolitan Manila Development Authority.
Ang ilan pang sumusuporta kay Tolentino ay sina Cavite Gov. Jonvic Remulla at mga alkalde ng Cavite na sumama pa sa kanya sa pagsusumite ng kanyang kandidatura sa Comelec noong Oktubre 14.
Nagpahayag rin ng suporta kay Tolentino sina dating Pangulo at Manila Mayor Joseph Estrada, Parañaque City Mayor Edwin Olivarez at Caloocan City Mayor Oscar Malapitan.