MANILA, Philippines – Siniguro ng liderato ng Kamara na ipapasa na nila sa ikatlo at huling pagbasa sa muling pagbubukas ng sesyon ng Kongreso ngayong linggo ang panukalang P226 bilyon four-year “Salary Standardization Law of 2015” o SSL 2015.
Ang nasabing panukala ay pakikinabangan ng may 1.53 milyong opisyal at empleado ng gobyerno sa pamamagitan ng pagtataas ng sweldo at pagbibigay ng 14th month pay sa unang taon ng implementasyon nito ngayong 2016.
Siniguro ito nina House Speaker Feliciano Belmonte, Majority Leader Neptali Gonzales, Leyte Rep. at Independent Minority Leader Martin Romualdez na nagbigay ng katiyakan na pagkatapos ng Asia Pacific Economic Cooperation leaders’ summit ay tuloy na ang deliberasyon at pagpapasa sa SSL 2015.
Importante umanong busisiin pa ring maigi ang panukala kung maaari pang dagdagan ang umento ng mga empleado lalo na ng mga guro at nurses dahil sila ang higit na nangangailangan sa bigat ng kanilang trabaho.
Isusulong naman ni Romualdez na bawasan ang performance based bonus upang madagdagan ang basic salary ng mga empleado.