MANILA, Philippines – Matapos ang mahigit apat na buwang pagkakabihag, pinalaya na ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang bihag na sundalo sa Barangay Kaulayanan, bayan ng Sugbongcogon, Misamis Oriental noong Biyernes ng tanghali.
Kinilala ni Army’s 4th Infantry Division spokesman Captain Joe Patrick Martinez , ang pinakawalang bihag na si Corporal Adones Jess Lupiba.
Si Lupiba ay pinawalan ng mga rebelde sa tulong nina Bishop Felixberto Calang ng Iglesia Filipina Independiente at Governor Yevgeny Vicente “Bambi” Emano ng Misamis Oriental.
Binihag ng mga rebelde si Lupiba noong Hulyo 11, 2015 matapos itong magsakripisyo sa pagsagip sa mga sibilyang ginawang kalasag ng komunistang grupo laban sa tumutugis na tropa ng militar.
Ang insidente ay nagresulta sa 20-minutong bakbakan sa pagitan ng mga sundalo at ng mga rebeldeng nagsagawa ng walang habas na pamamaril matapos na iharass ang pamayanan kung saan dalawa ang nasugatan habang napatay si Corporal Bairula at nabihag si Cpl Lupiba.
“We thank the people who helped us for the safe release of our soldier especially Bishop Calang and Governor Emano. We also thank the peace-loving people of Misamis Oriental who offered their prayers for his release,” pahayag naman ni Col. Jesse Alvarez ng Army’s 403rd Infantry Brigade.
Kaugnay nito, si Lupiba ay sasailalim sa medical at physical examination kabilang ang stress debriefing sa Camp Evangelista Station Hospital sa Cagayan de Oro City.