SK Reform Act plantsado na - Leni
MANILA, Philippines – Nakatakda nang pirmahan ni Presidente Noynoy Aquino ang Sangguniang Kabataan (SK) Reform Act.
Ito’y matapos aprubahan ng Kamara ang bicameral conference committee report, ayon kay Camarines Sur Rep. Leni Robredo, na pambato ng Liberal Party bilang bise presidente.
Isang co-author ng House Bill No. 109, sinabi ni Robredo na ipinadala na ang panukala sa Malakanyang para sa pirma ni Pangulong Aquino.
“Ang inaasahang pagsasabatas ng SK Reform Act ay maituturing na isang malaking hakbang upang mabago natin ang sistema ng pamumuno ng mga kabataan sa bansa,” wika ni Robredo. “Bahagi rin ng ating pagnanais na maipasa ito ay ang hangarin nating mabigyan ng malaking papel ang kabataan sa pagpapatibay ng bansa sa wastong paraan na hindi nahahaluan ng maruming pulitika.”
Ayon kay Robredo, isa sa mahalagang probisyon ng SK Reform Act ay ang anti-dynasty kung saan pagbabawalang tumakbo ang mga kamag-anak ng nahalal at nahirang na opisyal bilang miyembro ng SK, hanggang sa tinatawag na second level of consanguinity.
Itinaas din ang edad ng SK officials patungong 18 hanggang 24 taong gulang, upang maging ligal ang pagpasok nila sa mga kontrata at mapapanagot sa kanilang aksiyon.
Kailangan na ring sumailalim sa leadership training programs ang mga SK official upang magkaroon sila ng sapat na kaalaman sa pagtupad sa tungkulin.
Dagdag pa rito, mabibigyan na ang SK officials ng kalayaan pagdating sa pananalapi dahil sampung porsiyento ng general fund ng barangay ay ilalaan sa Sangguniang Kabataan.
Ang yumaong asawa ni Robredo na si dating Naga City Mayor Jesse, ang nagtatag ng isa sa mga unang local youth councils sa bansa.
- Latest