MANILA, Philippines - Ibinida ni Daang Matuwid presidentiable Mar Roxas na ang isang simpleng solusyon sa traffic sa Metro Manila ay ayusin ang sistema ng bus sa lungsod.
Ginamit ni Roxas ang ehemplo ng mga ibang bansa kung saan iisa lamang ang may-ari ng mga bus na pumapasada sa lansangan.?
“Kabahagi ito ng Department of Common Sense,” sabi ni Roxas. Ang dami ng mga bus ang isa sa mga itinuturong dahilan kung bakit lumala ang trapik sa kahabaan ng EDSA.
Ilang beses ng tinalakay ni Roxas ang naiisip niyang solusyon dito: bigyan ng regular na sahod ang mga drayber ng bus para hindi sila naghahabol ng komisyon, isa sa mga pinagmumulan ng aksidente at pinsala sa daan.
Binanggit din ni Roxas na sa pagbubukas ng ginagawang NLEX-SLEX connector road ay mabibigyan ng ibang daanan ang mga motorista at made-”decongest” ang EDSA at C5. Para mabuo ang solusyong ito ay iminungkahi ni Roxas na ayusin ang mga prangkisa ng mga bus upang malaman kung ilan lamang talaga ang dapat dumadaan sa EDSA.
Sumagot ng iba’t iba pang mga katanungan si Roxas mula sa mga dumalo sa Go Negosyo forum tungkol sa maraming isyu tulad ng mabagal na internet, Mamasapano, pagbaba ng buwis at iba pa.