MANILA, Philippines – Binatikos ni Sen. Grace Poe ngayong Lunes ang Department of Transportation and Communications at ang pinuno nitong si Sec. Joseph Emilio Abaya dahil sa mga kapabayaan partikular sa Metro Rail Transit (MRT).
Sinabi ni Poe na matalino si Abaya pero kailangan ng bansa ng ibang kalihim sa DOTC.
"Sa tingin ko we deserve a better DOTC secretary," pahayag ni Poe sa pagdinig ng Senate subcommittee on public services sa MRT.
"Talagang napakaraming hindi nagampanan na trabaho at palaging pinabayaan lang o idinadaan sa proseso. Pero minsan kasi meron tayong proseso pero meron naman tayong sinasabi na maging pro-active naman tayo," dagdag ng senadora.
Pinuna ni Poe ang kawalan ng ideya ni Abaya sa mga nangyayari sa MRT.
"Kung talagang gusto mong matapos 'yan bilang isang kalihim nasa sa ulo mo na kung kailan dapat ideliver 'yung mga bagay-bagay," banggit ng senadora.
Sa kabila nito ay tiniyak naman ni Abaya na mararamdaman ang pagbabago sa MRT sa unang tatlong buwan ng 2016 dahil sa pagdating ng mga bagong tren.