MANILA, Philippines — "Gusto ko lang madinig ako para sa kaso ng anak ko.”
Ito ang dahilan sa paghahain ni Manuel Antonio "Mar Roxas" Roxas ng certificate of candidacy nitong nakaraang buwan Commission on Elections, ngunit nitong Huwebes ay kusa na siyang umatras sa pagtakbo sa 2016.
Sinabi ni Manuel Antonio na wala naman talaga siyang balak tumakbo sa pinakamataas na pwesto ng gobyerno at nais lamang niyang makakuha ng atensyon para sa anak niyang halos 20 taon nang nakakulong.
"Ayaw ko talagang tumakbo... retired policeman lang naman ako eh," wika ng kapangalan ni Liberal Party standard-bearer at dating Interior Secretary Manuel "Mar" Roxas II.
"Gusto ko lang madinig ako para sa kaso ng anak ko. Matagal na siyang nakakulong for rape. Almost 20 years na," dagdag niya.
Inamin din ng retiradong pulis na nagkusa na siyang umatras kasunod ng inihain ng dating kalihim ng DILG na motu propio petition upang madeklara siyang nuisance candidate.
"Wala namang problema sa akin na magwi-withdraw na ko. Wala akong abogado kaya nga ayaw ko ng asunto. Ayoko nang makagulo," sabi pa ni Manuel Antonio.
Sinabi naman ng LP standard bearer na tutulungan niya ang katukayo na maresolba ang kaso ng anak.