‘Pig holiday’ ilalarga ng AGAP

MANILA, Philippines – Maglulunsad ang grupo ni Congressman Nicanor ‘Nick’ Briones ng AgriculturalSector Alliance of the Philippines (AGAP) ng limang araw na Pig holiday bunsod ng patuloy na nagaganap na technical smuggling ng karne ng baboy at manok sa bansa.

Ayon kay Rep. Briones, nawawalan na ng halos dalawang bilyong piso kada-buwan ang mga backyard hog and poultry raiser sa bansa dahil sa technical smuggling na pinapalusot ng mga tiwaling opisyal at tauhan sa Bureau of Customs (BoC).

Sinabi ni Briones, isinasapinal na nila ang petsa ng malaking kilos protesta na tiyak na mawawalan ng supply ng karne ng baboy at manok sa merkado.

Sa ngayon, ani Briones ay bumagsak na ang presyo ng baboy sa farm price, mula sa dating 118 kada kilo noong September, ngayon November ay nasa 100 per kilo na lamang ang farm price.

Nangangahulugan aniya na hindi tinupad ni BOC Commissioner Bert Lina ang kanyang ipina­ngako noong ipatawag siya sa hearing sa kongreso na ilalagay niya sa double red alert ang mga nagpapasok ng karne ng baboy at manok sa bansa na pinapadaan sa technical smuggling.

Aniya, pinapalusot ng mga smuggler sa taba, balat, lamang loob o fats, offals, skin at deboned ang kanilang mga inaangkat na frozen meat upang makapagbayad lamang ng 5-percent na buwis sa gobyerno sa halip na 30-40 percent kaya nawawalan ng P1-milyong buwis kada container van ang gobyerno.

Una na ring iniulat sa Pangulong Aquino ni BoC Deputy Commissioner Jessie Dellosa na patuloy pa ring umiiral sa Aduana ang ‘tara system’ o pagbabayad ng P120,000-P150,000 bawat isang container na wala ng bukasan.

Sabi ni Briones, nalulugi ang gobyerno ng nasa P8 hanggang P10 bilyong kada taon dahil sa pamamayagpag ng technical smuggling ng karne sa bansa.

Show comments