MANILA, Philippines – Inihain ni Camarines Sur Rep. Leni Robredo sa mababang kapulungan ng Kongreso ang isang panukalang-batas na magtatadhana na walang pananagutang kriminal ang pagdadala ng hindi hihigit sa tatlong bala.
Layunin ng kanyang House Bill 6245 (Iwas Tanim Bala) na wakasan na ang operasyon ng mga tanim bala syndicate na bumibiktima sa mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport.
Ginawa niya ang hakbang matapos arestuhin ang ilang pasahero sa dahil sa pagkakaroon ng bala sa kanilang bagahe.
Bukod anya sa pangingikil, ang scam ay paglabag sa ating karapatan na malayang makapagbiyahe at malaking kasiraan para sa bansa dahil ilan sa mga biktima ay mga turista na nagbakasyon lang sa bansa.
“Kapag nagpatuloy pa ang Tanim Bala scam, siguradong maaapektuhan ang ating pagkilos na palakasin ang turismo dahil ang NAIA ang gateway sa country,” wika ni Robredo.