MANILA, Philippines – Matapang na solusyon, mabilis na aksiyon at hindi mga palusot ang hinihingi ng mamamayan sa gobyerno para maresolba agad ang isyu ng “laglag bala”.
Pahayag ito ni Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano na una ng naghain ng administrative complaint laban sa mga opisyal ng DOTC at NAIA kaugnay sa raket na ‘tanim o laglag bala’.
Binatikos rin ni Cayetano ang pahayag ni Abaya na nagsabing ang mga isyu ng “laglag-bala” ay lumaki lang dahil nabawasan na umano ito noong 2012.
Sabi ni Cayetano na kahit pa isang kaso ng pang-aabuso sa isang ordinaryong pasahero ay dapat pagtuunan ng pansin ng mga opisyal ng gobyerno.
“Even just a single case of abuse against an ordinary passenger by public officials who are expected to protect the rights of the people is worth the government’s time and effort. I hope Sec Abaya understands that part of his job is to make sure the people under him are his responsibility,” ani Cayetano.
Giit ni Cayetano, dapat gayahin ng gobyerno ang ginawang pagtugon ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa isyu na nagpatupad agad ng mga “preventive measures” sa mga airport terminals sa Davao.
Nagtalaga kaagad umano ng mga kagawad ng pulisya si Duterte upang bantayan ang sinumang magtatangka na maglagay ng bala sa bahagi ng mga pasahero.
Noong Lunes ay hinamon pa ni Duterte si Pangulong Aquino na mabilis na resolbahin ang problema at tanggalin ang mga opisyal at empleyado ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), ang aviation command, at porter services at drivers na hinihinalang nagsasabwatan para makapangikil sa mga pasaherong natataniman ng bala.