MANILA, Philippines – Pinagpapaliwanag ng ilang kongresista ang Office of the Civil Defense kaugnay sa ulat ng Commission on Audit na hindi pa nagagamit ang salapi para sa mga biktima ng kalamidad.
Ayon kay Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, dapat magpaliwanag ang OCD sa ulat na halos P98.3 milyon cash donations ang hindi pa nagagalaw na sana ay naipagpagawa pa ng mga pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad tulad ng permanenteng tirahan at pagkain.
Bukod dito, nanawagan din si Romualdez sa agarang imbestigasyon sa Kamara sa kung ano na ang nangyari sa iba pang donasyon na nakuha ng ibang ahensiya ng gobyerno tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) mula sa bagyong Yolanda.
Binalewala din ng kongresista ang alibi ng OCD na hindi naibigay ang donasyon dahil sa hindi pagsusumite ng requirements ng mga biktima.
“Kung talagang may malasakit ang OCD sa mga biktima ng ‘Yolanda,’ tiyak namang may paraan sila para maibigay pa rin ang donasyon sa mga biktima. Kaya ang tanong, pinagmalasakitan ba nila ang mga biktima?” Ayon kay Romualdez.
Maliban dito, nanawagan din si Negros Occidental Rep. Albee Benitez sa Kamara, ang umano’y calamity underspending o ang hindi sapat na paggastos ng gobyerno sa panahon ng kalamidad.
Para naman kay Anakpawis Rep. Fernando Hicap, nakakagalit malaman na dahil sa kapabayaan ng gobyerno ay maraming nagutom, nagtiis sa tent at nabaon sa utang gayung nakatengga lang ang mga donasyon para sa kanila.