MIAA chief pinasisibak sa ‘tanim bala’

MANILA, Philippines – Pinasisipa ng mga kongresista kay Pangulong Aquino si Manila International Airport Administration (MIAA) Manager Angel Jose Honrado o kaya magkusa na itong umalis sa kanyang puwesto para maibigay sa mas may kakayahan at kapuri-puri ang kanyang tungkulin upang maging maayos ang sistema sa NAIA na binansagang ‘worst airport.’

Sinabi ni Davao City Rep. Karlo Alexei Nograles, chairman ng House Committee on Labor, na nagiging problema lamang si Honrado hindi lang sa Aquino administration kundi pati sa buong bansa.

Ipinaalala ni Nograles kay Honrado na isipin nitong mabuti na ‘show window’ ng Pilipinas ang NAIA sa buong mundo kaya naman maraming turista ang nahihikayat na magpunta dito pero kung puro kapalpakan o katiwalian ang nangyayari dito walang ibang dapat sisihin kundi ang nasabing opisyal dahil sa hindi agad pag-aksyon at pagbabalewala nito sa problema kaya tuloy lalong lumaki ang isyu at kinatakutan na ito ng mga pasaherong umaalis o dumarating.

Iginiit ni Nograles na kung talagang determinado ang gobyerno na maisalba ang imahe at baguhin ang sistema sa airports ay dapat alisin na rito si Honrado.

“Honrado has contri­buted nothing but shame and embarrassment for President Aquino and with the onset of the campaign season, his continuing presence in the government would certainly hurt the administration’s bid to win the 2016 presidential election and this laglag-bala cases at the NAIA will be an election issue,” tirada ni Nograles.

Sinabi rin ni Abakada Partylist Rep. Jonathan dela Cruz, na dapat maghain ng courtesy resig­nation si Honrado at lahat ng opisyal na nasa operations and security sa NAIA at iba pang airport sa buong bansa lalo’t malapit na ang APEC Summit.

Ayon kay dela Cruz, ang ‘laglag-bala’ racket sa NAIA ay isang sindikato na “one money, one fund” operation na kinasasangkutan umano ng mga tauhan ng Office of Transportation Security (OTS), MIAA at PNP-Aviation Security Office.

Hinimok naman ni OFW Partylist Rep. Roy Señeres si PNoy na sibakin na si Honrado at balasahin ang MIAA, OTS at PNP-Aviation Security Office.

Nanawagan din si Señeres sa Ombudsman na i-lifestyle check sina Honrado at lahat ng mga opisyal sa MIAA, OTS at PNP-Avseco.

Show comments