MANILA, Philippines – Pinasisiyasat na ni Pangulong Aquino kay Transportation Sec. Jun Abaya ang isyu ng ‘laglag bala’ o ‘tanim bala’ sa mga paliparan.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, maging ang Malacañang ay naalarma sa biglang pagtaas ng kaso ng nahuhulihan ng bala sa NAIA.
“Nakakalungkot po na nangyayari ito…we have raised it with Secretary Jun Abaya and the President and that’s why may instructions po galing kay Pangulong Aquino at kay Secretary Jun Abaya na tingnan nang maayos itong nangyayaring ito sa ‘tanim bala’ na ito. Nag-usap po kami ni Secretary Jun Abaya at sinabi po niya na nagdadagdag sila ng mga CCTV po dito sa mga lugar na ‘yan,” ani Lacierda.
Nakakabahala rin aniya na nagiging ‘paranoid’ na ang mga pasahero at nagiging viral sa social media ang larawan ng ilang pasahero na binabalutan ng husto ang kanilang mga bag upang hindi masiksikan ng bala.
Sinasabing karaniwang target ng sindikato ay ang mga OFW. Una nang naiulat na isang 56-anyos na OFW mula Hong Kong ang nahuli sa NAIA nang kakitaan ang bag nito ng bala ng baril.
Ilan ding indibidwal ang nahulihan ng bala sa airport nang aminin na gamit nilang anting anting sa kanilang paglalakbay at mayroon namang nagsabi na nasama sa bagahe ang dalang bala bilang remembrance mula sa pinagmulang firing range.
Muli, pinaalala ni Abaya sa publiko na bawal ang magdala ng bala sa pagsakay sa eroplano.
Tiyakin ding sila ang nag-iimpake ng mga bag para maiwasang mabiktima ng ‘laglag bala’ ng mga tiwaling security personnel sa NAIA.
Tiniyak naman ni Abaya na agad parurusahan ng tanggapan ang sinumang airport personnel na mapapatunayang sangkot sa naturang modus operandi.