MANILA, Philippines – Inaasahan ang paglutang ngayong huling araw (Oktubre 31) ng voter’s registration ng maraming mga Pinoy na may ugaling ‘last minute’ o kung kailan ang deadline ay saka lamang magkukumahog na magparehistro para sa 2016 elections.
Bagamat may payo sa mga Pinoy na iwasan na ang ‘last minute’ mentality, hinikayat muli ng Commission on Elections (Comelec) ang mga botante na samantalahin ang huling araw ng registration period upang makatiyak na makakaboto sila sa halalan.
Muli ring ipinaalala ng Comelec na kahit rehistradong botante ngunit wala namang biometrics ay hindi pa rin papayagang makaboto.
Mayo 6, 2014 pa nang simulan ng Comelec ang voters registration para bigyan ng sapat na panahon ang mga botante na magparehistro.
Patuloy namang naninindigan ang Comelec na hindi na sila maaari pang magpatupad ng extension sa registration period dahil maaapektuhan ang ginagawa nilang preparasyon para sa national and local elections na nakatakda sa Mayo 9, 2016.
Kamakalawa ng hapon nang maghain ng petisyon ang ilang grupo ng kabataan na humiling sa Korte Suprema na atasan ang Comelec na palawigin hanggang Enero ang registration at ideklarang unconstitutional ang paglalagay ng deadline na taliwas sa isinasaad ng Voter’s Registration Act.