MANILA, Philippines – Kinasuhan kahapon si Pangulong Aquino sa Office of the Ombudsman ng kasong katiwalian dahil umano sa maling paggamit ng P220 billion pork barrel funds.
Bukod kay Pangulong Aquino kasamang kinasuhan sina Budget Sec. Butch Abad, Agriculture Sec. Proceso Alcala at Senate Pres. Franklin Drilon.
Sa pitong pahinang complaint ni dating Iloilo Cong. Augusto “Boboy” Syjuco Jr., tumatakbo sa pagka-pangulo, sinabi nito na ang administrasyong Aquino ang may pinakamalaking nawaldas na pork barrel.
Sina Aquino ay dapat anyang managot sa umano’y maling paggamit ng Department of Agriculture (DA) sa DAP funds at PDAF ng mga mambabatas.
Ayon pa kay Syjuco, ang korupsyon sa pork barrel sa ilalim ng administrasyon Aquino ay nakakikilabot na dapat sana’y nagamit sa tamang paggastos.
Inakusahan din ng dating kongresista ang Pangulo ng maling paggamit sa pondo ng Agricultural sector na dapat sana’y nagamit sa mga magsasaka.
Anya, may kabuuang P14.4 bilyon ang ginamit ng DA sa mga kuwestyonableng programa at proyekto ng ahensiya tulad ng farm-to-market roads, credit financing para sa livestock sector at financial assistance para sa mga commercial crops.
Sinabi pa ni Syjuco na bukod sa maling paggamit sa pondo ng P220 bilyon Pork Barrel funds ng administrasyon, mali rin umano ang ginawang paggamit sa P62.5 bilyon ng PDAF at ang P157 bilyong DAP.
Pinaiimbestigahan din ni Syjuco ang mga taong sangkot dito at ang mga ahensyang pinaglaanan ng mga naturang pondo.