Consumer group peke raw, kakasuhan sa rice issue
MANILA, Philippines – Sasampahan ng libel at civil suit ng Manila Harbour Centre Port Terminal Inc., ang isang pekeng consumer group matapos nitong akusahan ang una na nagtatago umano ng bigas ng National Food Authority (NFA).
Tinukoy ni Vice President for Corporate Affairs Mark Roy Boado ang grupo na Alliance of Concerned Citizens (ACC) na pinamumunuan ng isang Perfecto Tagalog.
Bogus aniya ang grupo dahil peke ang address nito na nasa squatters’ area.
Ayon kay Boado, kilala na nila ang mga taong nasa likod ng demolition job laban sa kanila at ang mga ito ang ihahabla nila sa korte.
Nais aniyang sirain ng grupo ang Habour Centre upang sulutin ang kanilang mga kliyente.
Matatapos ang permit to operate ng kompanya sa 2017 at ire-renew nila aniya ito para sa panibagong 25 taong operasyon.
Sa kasalukuyan, ang Harbour Centre ang nagsisilbing unloading point ng bigas mula sa Vietnam na inaangkat ng NFA.
Ani Boado, wala silang warehouse para sa mga inangkat na bigas ng NFA kung kaya’t ang imported rice mula sa Vietnam ay direktang inililipat mula sa barko sa mga truck na maghahatid naman nito sa mga bodega ng NFA.
May 6,000 tonelada ng bigas araw-araw kada barko ang ibinababa ng Harbour Centre na kanilang natatapos sa loob ng tatlong araw.
Samantala, sinabi ni RII Holdings corporate communications head Melanie Lapore na nag-imbestiga na ang NFA sa akusasyon laban sa Harbour Centre batay na rin sa kahilingan ng National Coalition of Filipino Consumers.
“Nalinis na ng NFA ang pangalan ng HCPTI dahil ginagamit lang naman nila itong transhipment point bago ihatid ang mga inangkat na bigas sa kanilang mga bodega,” ani Lapore.
- Latest