Pantay na distribusyon ng illegal settlers, giit
MANILA, Philippines – Ipinanukala kahapon ni San Jose Del Monte City Rep. Arturo Robes sa pamahalaan na magsagawa ng masusing pagpaplano para sa pantay na distribusyon ng mga nare-relocate na “informal settlers” sa mga lalawigan.
Sinabi ito ni Robes makaraang makapagtala na ng napakataas na bilang ng inilipat na “informal settlers” ang San Jose Del Monte City sa Bulacan.
Sa kanilang rekord, nasa 750,000 indibidwal na ang naililipat sa lungsod buhat sa iba’t ibang siyudad sa Metro Manila.
Nasa 60% na ng kanilang lungsod ay pawang mga na-relocate. Ito ay dahil sa pagiging malapit nito sa Quezon City.
Dapat umanong magkaroon ng balanseng relokasyon upang magamit ng maayos ang pondo ng lokal na pamahalaan na tatanggap sa mga informal settlers.
“We would like to give informal settlers quality basic services but if there are more of them who will be transferred to us, local government resources will be inadequate to fill the demands,” ani Robes.
Bukod dito, iginiit ni Robes na bago magkaroon ng relokasyon ay dapat tiyakin ng nasyunal na pamahalaan na may makukuhang maayos na trabaho ang kanilang mga inililipat ng tirahan. Nagiging walang silbi rin umano ang relokasyon kung walang trabahong makukuha ang mga ini-relocate at babalik rin sa Kamaynilaan.
“I envision San Jose Del Monte as a fully realized city in five to seven years. The relocation of informal settlers is one way for us to help them but the national government should ensure fair and equal distribution,” dagdag nito.
- Latest