MANILA, Philippines – Isinailalim na sa heightened alert status ang National Capital Region Police Office (NCRPO) at Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay ng paggunita sa Undas sa Nobyembre 1.
Sinabi ni NCRPO Director Chief Supt. Joel Pagdilao, sa Oktubre 30 ay ipatutupad na nila ang full alert status sa Metro Manila para tiyakin ang kaligtasan ng publiko.
Binigyang diin ni Pagdilao na plantsado na ang Ligtas Undas 2015 dahil sa inaasahang pagdagsa ng milyong Pinoy sa mga sementeryo sa Metro Manila.
Inaasahan rin ang buhos ng mga magsisipag-uwian sa mga probinsya kaya’t palalakasin rin ang mga police assistance desk sa mga bus terminals, daungan at paliparan.
Kalakip rin ng security plan ng PNP sa kabuuan ng ‘Lakbay Alalay’ na magbigay ayuda sa mga motoristang posibleng masiraan sa panahon ng paglalakbay.
Pinag-iingat din ang publiko lalo na sa mga akyat-bahay na posibleng magsamantala sa maiiwang mga tahanan na walang tao at maging doble ingat rin sa mga Salisi gang sa mga matataong lugar.
Tiniyak naman ng opisyal na pati mga komunidad ay parorondahan sa mga pulis at nakipag-ugnayan na rin sa mga lokal na opisyal para pagtulungan ang seguridad ngayong UNDAS.
Sinabi naman ni Col. Noel Detoyato, Chief ng AFP Public Affairs Office na blue alert na rin ang AFP sa UNDAS bilang augmentation team ng PNP.
“We are on blue alert (heightened alert) our augmentation troops from the field units will support the PNP security for the UNDAS,” ani Detoyato.
May mga pulis din na magpapatrulya sa loob ng mga sementeryo habang magdedeploy rin ng mga bomb experts at mga bomb sniffing dogs sakaling kailanganin.
Sabi naman ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez, umpisa sa Oktubre 29 ay nasa heightened alert na rin ang iba pang himpilan ng pulisya at ipauubaya na sa kanilang mga Commanders kung itataas ito sa full alert status.
Posibleng manatiling nakataas ang kanilang alerto hanggang Nobyembre 3.