MANILA, Philippines - Ikinagalak ni dating Special Action Force, Director Getulio Napeñas ang hayagang suporta sa kanya ni Manila Mayor Joseph Estrada kaugnay ng kanyang pagtakbo sa pagka-senador sa 2016 elections.
Ika-anim si Napeñas sa listahan ni Estrada na susuportahan nito kung saan ayon sa dating pangulo ay kanyang hinahangaan ang galing at dedikasyon sa trabaho.
Tiniyak at ipinangako naman ni Napeñas na susuklian niya ng tunay na serbisyo publiko at paglilingkod sa sambayanan ang ginawang pagsuporta ni Erap sa kanyang kandidatura bilang senador.
Bukod kay Mayor Erap ay nagpahayag din ng pagsuporta kay Napeñas ang hanay ng kapulisan, kasundaluhan, mga negosyante, mga estudyante, religious sectors at iba pang mga grupo, matapos itong nanindigan kaugnay sa isyu ng Mamasapano incident at ipinaglaban ang karapat-dapat na hustisya para sa mga namatay sa nasabing bakbakan.
Nagdesisyon si Napeñas na tumakbo sa pagka-senador dahil sa panghihikayat ng ibat-ibang mga grupo na sawa na umano sa mga trapo o traditional politicians at nais umano ngayon ng sambayanan ay mga bagong mukha at may dignidad na katulad ni Napeñas.