MANILA, Philippines - Pinuna ni Valenzuela Congressman Win Gatchalian ang pagkabigo ng administrasyong Aquino na masawata ang talamak na pagpupuslit sa bansa ng mga produktong agricultural na lumobo sa P182 bilyon mula taong 2010 at 2014.
Ayon kay Gatchalian na tatakbong senador sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition, nakakaalarma ang pangyayaring ito na dapat ang Bureau of Customs ang nanghuhuli sa mga puslit na agri-products pero nakakalusot pa rin ang mga ito.
Binanggit sa pahayag ng mambabatas na, ayon kay Rosendo So ng Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag), sa loob ng apat na taon ng Aquino government ay halos nadoble ang naipupuslit na smuggled agri-products sa BoC na mula P95 billion noong 2005-2009 ay naging P182 milyon na ito nitong 2010-2014.
“Sa kabila ng patakarang Daang Matuwid ng administrasyong Aquino, nabigo itong masawata ang smuggling na disbentahe naman sa mga magsasaka,” sabi pa ni Gatchalian.
Napuna din ni Gatchalian na gumagamit pa din ng manual processing ang BoC kaya wala itong systematized na data collection.
Aniya, dapat maging computerized ang BoC kung saan ay naka-post sa online ang lahat ng imported goods na papasok gayundin ang duties at taxes na dapat bayaran nito kasama na din ang importers at consignee nito.
Sa computerization, ayon naman kay dating BOC Commissioner Ruffy Biazon na nagpasimula ng computerization sa ahensiya noong 2009, wala nang kontak ang importer at ang empleyado ng Customs. Wala na ring mga papeles na tatrabahuhin. Lahat ay nasa computer na.
“Bukod sa masasawata ang katiwalian, bibilis din ang mga transaksyon sa BOC,” sabi pa ni Biazon. “Mawawalan ng kita ang mga fixer at lalaki ang koleksyon.”