Kooperasyon ng LGUs vs kalamidad giit ni Tolentino
MANILA, Philippines - Nanawagan si senatoriable Francis Tolentino sa mga lider ng “local government units (LGUs)” ng ibayong kooperasyon laban sa regular na pagragasa sa bansa ng mga bagyo at iba pang kalamidad.
Ginawa ni Tolentino, dating hepe ng Metropolitan Manila Development Authority, ang panawagan kasabay ng patuloy na pananalasa ng bagyong Lando sa Hilagang Luzon. Sinabi nito na higit na mapapababa ang bilang ng mga biktima kung may maayos na kooperasyon ang mga lider ng mga lokal na pamahalaan.
Bukod sa agarang pagresponde sa mga lugar na nasa panganib at pagtatatag ng evacuation areas, nasa kamay rin ng LGUs ang pagbabantay sa mga pantalan para maiwasan ang mga trahedya sa karagatan.
Sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon, nasa 6,529 pasahero, 89 barko, 42 bangkang de-motor at 633 rolling cargoes ang stranded sa mga pantalan dahil sa bagyo.
Malaki rin umano ang papel ng lokal na pamahalaan sa pagtukoy sa mga kalsada na hindi madadaanan ng mga behikulo para hindi maipit ang distribusyon ng mga “relief goods” sa mga biktima.
Kung makakapasok umano sa Senado, itutulak ni Tolentino ang pagbuo sa Philippine Urban Development Commission na siyang makikipag-ugnayan sa mga LGUs para maitulak ang planong kooperasyon ng mga lungsod.
- Latest