MANILA, Philippines – Dismayado si Sen. Cynthia Villar sa mabagal na pagsasampa ng kaso laban sa mga smuggler kasabay ng kanyang pagkagalak nang ipasa ng Senado sa ikatlong pagbasa ang Anti-Agricultural Smuggling Act.
Base sa ulat sa pahayagan, kinumpirma ni outgoing Justice Sec. Leila de Lima na ibinalik sa NBI noong Mayo ang kasong “monopoly in restraint of trade and violation of procurement laws” na isinampa nito laban sa big-time smuggler na si David Bangayan para palakasin ito.
Pagkalipas ng dalawang taon, wala pa ring naisasampang kaso ang Department of Justice laban kay Bangayan at Leah Cruz na kapwa sangkot sa kartel ng bawang. Sila ang nasa gitna ng pagbusisi ng Senado sa smuggling noong 2013 na pinangunahan ni Villar.
Si Villar, chair ng Committee on Agriculture and Food, ang principal sponsor ng Senate Bill No. 2923 o ang Anti- Large Scale Agricultural Smuggling Act. Layunin ng bill na ideklarang non-bailable offense o economic sabotage ang agricultural smuggling.
Sa ilalim ng bill, upang maging economic sabotage, ang halaga ng smuggled agricultural product ay P10 million o higit pa para sa bigas, o P1 million o higit pa para sa ibang agricultural products gaya ng asukal, mais, baboy, manok, bawang, sibuyas, carrots, dried fish, at cruciferous vegetables.
Iginiit ng Nacionalista Party senator na mas seryosong krimen ang smuggling kaysa pork barrel scam. May 600,000 metric tons ng bigas ang ini-ismuggle kada taon at P200-450 billion ang nawawala dahil sa agricultural smuggling.
Binanggit din ni Villar na bukod sa naging mas agresibo ang mga smuggler, naging malikhain at mas matalino rin ang mga ito.